Wednesday, September 9, 2009

A Poem For Sen. Noynoy from an Overseas Filipino Worker in Middle East

Sen. Noynoy Aquino during one of the necrological services for his mother
Sa iyong mga kamay, Noynoy
(Labindalawang taludtod ng pag-asa)

Mula sa ma-alimagmag na kalagayan

Ng Pilipinas kong mahal;
Pag-asa sa pagkakaisa, tila wala nang linaw pa,
Maging ang tunay na demokrasya,
Naghihingalo’t halos pumanaw na....
II
Mga araw na nagdaan ....
Kamay ng Maykapal tila nagparamdam,
Sa pagpanaw ng aming minamahal,
Pag-asa’y muling nabuhay;
III

Ang paligid muling nagkulay-dilaw,
Tanda ng demokrasya’y muling lumitaw,
Masakit man ang kanyang pamamaalam
Sa mundong kanyang minahal,
Kapalit nito’y ang muling pagkabuhay,
Ng demokrasya, pagkakaisa’t kalayaan
Kung saan buhay niya’y inilaan;
IV
Tila baga sa pagdaan pa ng mga araw,
Kamay ng Maylikha walang tigil sa paggalaw,
Muli Niyang sa atin ay ipinaramdam,
Butil ng pag-asa ukol sa kalayaan,
Muling lumitaw laban sa kasamaan;
V
Ang kagitingan ng mga tunay na makabayan,
Muli na namang nanaig at ipinahayag,
Iwinaksi ang interes na pansarili,
Kapakanan ng bayan ang kanilang pinili;
VI
Tunay na ito ay pahimakas,
Ang mahal na pumanaw, panalangin nya’y kay lakas,
Tikatik ng luhang kanyang itinangis,
Upang labanan hangarin ng mababangis,
Ngayo’y parang bahang rumaragasa,
Upang lipulin yaong mga masasama;
VII
Ang mga pahiwatig at mga badya,
Sa iyong mga kamay maraming nakataya,
Pagdudugtong ng mga murang bisig,
Pagkakaisa ng mga munting tinig,
Lakas ng pwersang sa demonyo’y lulupig,
Mithiin ng baya’y ikaw ang sasagip…
VIII

Isa akong munting tinig,
Isa lang sa maraming mga gumigibik,
Sa gitna ng disyerto ay nagpaparinig,
Hiling at dalanging galing sa dibdib,
Iyong mapakinggan, iyong maramdaman ….
IX
Isa akong sa iyo’y napapasaklolo,
Isa lang sa maraming mga nagpapasalo,
Naghihintay ng matamis mong “oo”;
Upang oposisyon mapag-isa mo,
Upang bayan ay maisalba mo;
Ang sinimulan ng mga magigiting mong magulang,
Maituloy mo at mapagtagumpayan;
X

Ang pagmamahal mo sa ating bayan ….
Ay pagmamahal ng mga nakipagsapalaran,
Ang iba ay pumanaw na,
Ang iba naman ay nagsakripisyo pa
Ng kanilang pansariling naisin
Para lamang sa bayang ginigiliw…
XI
Si Mar, si Kiko at ang buong partido,
Sana ganoon din mga oposiyong pulitiko,
Katauhan mo ay kanilang igalang,
Para sa bayang ating ipinaglalaban,
Tunay na demokrasya at kalayaan,
Pagkakaisa at kaunlaran
Ng mamamayang syang nangangailangan…
Serbisyong tutuo at tapat na pagmamahal..
XII
Kaya’t, minamahal naming Noynoy,
Nais mo pang kami ay tumaghoy,
Marinig lamang ang iyong pagsang-ayon,
Na kami ay muli mong iahon;
Asahan mo “hindi ka nag-iisa”
Naninilaw muli ang ating pag-asa,
Pamunuan mo lang kami, muli tayong babangon,
At ang pilipino who are “worth dying for”
Muling tatayo’t sisigaw, “filipinos are worth living for”.
Ronnie Abeto

Khurais desert

Kingdom of Saudi Arabia

0 comments:

Post a Comment