May mga matalik akong kaibigan na kaanib ng Iglesia ni Cristo (INC). Tuwing makakasama ko silang kumain, napupuna ko sa kanila na ayaw nilang kumain ng dinuguan. Masarap pa naman sana ang puto at dinuguan. Ngunit talagang hindi kumakain ng dinuguan ang aking mga kaibigang INC.
Sa mga pagkakataong nakakausap ko sila, naitatanong ko kung bakit ayaw nilang kumain ng dinuguan. Napag-alaman ko sa kanilang kasagutan na diumano’y labag sa Banal na Kasulatan ang pagkain ng anumang may dugo. Ibig sabihin nito, hindi lamang ang dinuguan ang bawal kainin kundi kasama na ang tinumis, batchoy, barbecue na dugo ng manok, pinikpikan, at iba. Sa aking pananaliksik sa pananampalataya ng ating mga kapatid na INC, isa pala sa kanilang pangunahing aral ang hindi pagkain ng dinuguan. Saan kaya nag-ugat ang aral na iyan?
May mga talata sa Banal na Kasulatan na binabanggit ang INC bilang patunay sa aral nila ng pagbabawal kumain ng anumang may dugo kagaya ng dinuguan. Ang mga talatang iyan ay ang ating susuriin sa pag-aaral na ito.
Levitico 3:17
Sa Levitico 3:17, ito ang ating mababasa:
“Magiging palatuntunang palagi sa buong panahon ng inyong lahi, sa lahat ng inyong tahanan na hindi kayo kakain ng taba ni dugo man.”
Sa talatang ito, lumalabas na hindi lamang dugo ang ipinagbabawal kundi pati taba. Ang mga INC ay kumakain ng barbecue, chicharong bulaklak at kahit na anumang pagkaing may taba. Ang hindi lamang nila kinakain ay ang pagkaing may dugo.
Tanong: Bakit sila namimili kung alin lamang sa utos ang susundin? Sa Levitico 3:17, parehong taba at dugo ang ipinagbabawal na kainin. Dito ay lumalabas na ang INC ay isang samahang panrelihiyong turo-turo o “cafeteria” religion sapagkat sila ay namimili ng kung alin lamang ang gusto nilang panampalatayanan.
Kung bawal ang dugo, bawal din ang taba. Ang INC, dugo lamang ang ipinagbawal kainin taliwas sa sinasabi sa Levitico 3:17: “hindi kayo kakain ng taba ni dugo man.”
Gawa 15:20; 21:25
Sa Konsilyo ng Jerusalem, matapos makapagsalita si Apostol Pedro ay nagsalita naman si Apostol Santiago. Isa sa mga hatol ni Santiago ay: “huwag nating gambalain yaong sa mga Gentil ay nangagbabalik-loob sa Dios; kundi sumulat tayo sa kanila, na sila'y magsilayo sa mga ikahahawa sa diosdiosan, at sa pakikiapid, at sa binigti, at sa dugo.”
Ang hatol na ito ni Apostol Santiago ay isinagawa ni Apostol Pablo na nagsabi:
“Nguni't tungkol sa mga Gentil na nagsisisampalataya, ay sinulatan namin, na pinagpayuhang sila'y magsiilag sa mga inihain sa mga diosdiosan, at sa dugo, at sa binigti, at sa pakikiapid” (Gawa 21:25).
Mapupuna sa mga talatang nabanggit na walang sinasabing bawal kumain ng dugo. Ang sinasabi sa talata ay magsilayo sa dugo o magsiilag sa dugo.
Sapagkat ang pagkasalin ng Ang Biblia sa Gawa 15:20 at 21:25 ay hindi umaayon sa pananampalataya ng INC, minarapat nila na gamitin ang salin ng Magandang Balita Biblia na ganito ang nasasaad:
“Sa halip, sulatan natin sila na huwag kakain ng anumang inihandog sa diyus-diyusan; huwag makikiapid; huwag kakain ng hayop na binigti, at ng dugo.” (Gawa 15:20, MBB)
“Tungkol naman sa mga mananampalatayang Hentil, isinulat na namin sa kanila ang aming pasiya: huwag silang kakain ng anumang inihandog sa diyus-diyusan, ng dugo at ng hayop na binigti, at huwag makikiapid.” (Gawa 21:25, MBB)
Tanong: Anong dugo ba ang tinutukoy sa binasa?
Ayon sa konteksto, ang dugong tinutukoy dito ay ang inalay sa mga diyus-diyusan. Maari din na dugo ng tao ang tinutukoy na inalay sa mga diyus-diyusan sapagkat ayon sa Lucas 13:1:
“Nang panahon ding ngang yaon ay nangaroon ang ilan, na nagsipagsabi sa kaniya tungkol sa mga Galileo, na ang dugo ng mga ito'y inihalo ni Pilato sa mga hain nila.”
Ang dugo rin na tinutukoy ay maaring mga inihandog sa demonyo ayon na rin mismo kay Apostol Pablo:
“Subali't sinasabi ko, na ang mga bagay na inihahain ng mga Gentil, ay kanilang inihahain sa mga demonio, at hindi sa Dios: at di ko ibig na kayo'y mangagkaroon ng pakikipagkaisa sa mga demonio.” (I Corinto 10:20)
Maliwanag na ang dugong binabanggit ay dugo na inihahain sa mga demonyo at hindi sa Diyos kaya naman pala tayo ay hindi marapat na kumain niyaon sapagkat hindi ibig ng mga Apostol kagaya ni Pablo na tayo’y mangagkaroon ng pakikipagkaisa sa mga demonyo.
Batay na rin mismo sa dalisay na aral ng Banal na Kasulatan, mayroon pang mas malalim na kahulugan ang utos ng mga Apostol na magsilayo o magsiilag tayo sa dugo. Sa Bibliya, ang pagbububo ng dugo ay nangangahulugang karahasan kagaya ng pagpatay. Sa Kawikaan 1:15-16, pinapaalalahanan tayo na:
“Anak ko, huwag kang lumakad sa daan na kasama nila; pigilin mo ang iyong paa sa kanilang landas: Sapagka't ang kanilang mga paa ay nagsisitakbo sa kasamaan, at sila'y nangagmamadali sa pagbububo ng dugo.”
Gayundin naman ang sinasabi sa Awit 51:14:
“Iligtas mo ako sa salang pagbububo ng dugo, Oh Dios, ikaw na Dios ng aking kaligtasan; at ang aking dila ay aawit ng malakas tungkol sa iyong katuwiran.”
Sa Kawikaan 29:10 naman ay ito ang ating mababasa:
“Ang mangbububo ng dugo ay nagtatanim sa sakdal: at tungkol sa matuwid, hinahanap nila ang kaniyang buhay."
Ang propetang si Habbakuk naman ay nagsabi:
“Sa aba niya na nagtatayo ng bayan sa pamamagitan ng dugo, at nagtatatag ng bayan sa pamamagitan ng kasamaan!” (Habakkuk 2:12)
Sa Bagong Tipan naman, mismong ang Panginoong Jesus ay nagpaalala sa atin:
"Kaya't, narito, sinusugo ko sa inyo ang mga propeta, at mga pantas na lalake, at mga eskriba: ang mga iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus; at ang mga iba sa kanila'y inyong hahampasin sa inyong mga sinagoga, at sila'y inyong paguusigin sa bayan-bayan: Upang mabubo sa inyo ang lahat na matuwid na dugo na nabuhos sa ibabaw ng lupa, buhat sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias na pinatay ninyo sa pagitan ng santuario at ng dambana.” (Mateo 23:34-35)
Samakatuwid, sapat na ang mga talatang ating hinalaw mula sa Banal na Kasulatan para mapagtanto natin na ang mas malalim na kahulugan ng “paglayo or pag-ilag” sa dugo ay ang pag-iwas sa karahasan kagaya ng pagpatay sapagkat ang pagpatay ay isang kasalanang labag sa Sampung Utos ng Diyos:
Exodo 20: 13; Deuteronomio 5:17: “Huwag kang papatay.”
Nawa’y naunawaan natin na kalooban ng Diyos na tayo ay mangagpahalaga sa buhay:
“Sapagka't ang buhay ng laman ay nasa dugo; at aking ibinigay sa inyo sa ibabaw ng dambana upang itubos sa inyong mga kaluluwa: sapagka't ang dugo'y siyang tumutubos dahil sa buhay.” (Levitico 17:11)
Tindig ng Santa Iglesia Katolika
Una sa lahat, hindi pinipilit ng Iglesia Katolika ang sinuman na kumain ng dugo. Nasa sariling pagpapasiya ng mananampalataya kung ano ang kanyang gustong kainin o inumin basta hindi ito nakakasama sa kaniya. Hindi hinuhusgahan ng Iglesia Katolika ang sinuman ng dahil lamang sa pagkain o inumin sapagkat nasusulat: “Sinoman nga ay huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain, o sa paginom, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o araw ng Sabbath” (Colosas 2:16).
Sa Lumang Tipan, tunay nga na ipinagbawal ang pagkain ng dugo bilang bahagi ng mga palatuntunan ni Moises. Malinaw sa Levitico 3:17 na ang hindi pagkain ng dugo ay isang palatuntunan: “Magiging palatuntunang palagi sa buong panahon ng inyong lahi, sa lahat ng inyong tahanan na hindi kayo kakain ng taba ni dugo man.” Ayon naman kay Propeta Malachias, ang mga kautusan ni Moises ay kabilang sa mga palatuntunan:
“Alalahanin ninyo ang kautusan ni Moises na aking lingkod na aking iniutos sa kaniya sa Horeb para sa buong Israel, sa makatuwid baga'y ang mga palatuntunan at mga kahatulan” (Malachias 4:4)
Ang mga palatuntunang ito ay hanggang lamang sa panahon ng pagbabago. Kaya naman sa Bagong Tipan ang mga palatuntunang ito ay nabago na sa bisa ng kapangyarihan ng Panginoong Hesus. Ayon sa Hebrew 9:10:
“Palibhasa'y palatuntunan lamang na ukol sa laman, na iniatang hanggang sa panahon ng pagbabago (gaya ng mga pagkain, at mga inumin at sarisaring paglilinis).”
Malinaw na ang mga kautusan sa Lumang Tipan ay anino lamang ng mga bagay na darating sa Bagong Tipan (Hebreo 10:1; Col. 2:17). Kaya naman pagdatal ng Bagong Tipan, pinawi ang mga usapang nasusulat sa mga platuntunan. Lahat ng mga iyon ay inalis na at ipinako sa krus. Sa Colosas 2:14-16, ganito an gating mababasa:
“Na pinawi ang usapang nasusulat sa mga palatuntunan laban sa atin, na hindi naayon sa atin: at ito'y kaniyang inalis, na ipinako sa krus; Pagkasamsam sa mga pamunuan at sa mga kapangyarihan sila'y mga inilagay niya sa hayag na kahihiyan, na nagtatagumpay siya sa kanila sa bagay na ito. Sinoman nga ay huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain, o sa paginom, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o araw ng Sabbath.”
Sa Lumang Tipan, ang ipinagbawal ng Diyos sapagka’t ito ay iniaalay sa mga diyus-diyusan ng mga karatig bansa ng Israel. Naniniwala naman ang mga Judio ang buhay ay nasa dugo (Levitico 17:11) kaya naman ipinagbawal na inumin o kainin ito sa kadahilanang hindi nararapat ang tao na makiisa sa buhay ng hayop. Sa Bagong Tipan, minarapat ng Panginoong Jesus na tayo ay makiisa sa Kanya sa pamamagitan ng pag-inom ng Kaniyang sariling dugo sa Eukaristiya:
“Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maliban nang inyong kanin ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo, ay wala kayong buhay sa inyong sarili. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan; at siya'y aking ibabangon sa huling araw. Sapagka't ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako'y sa kaniya” (Juan 6:53-56).
“At dumampot siya ng isang saro, at nagpasalamat, at ibinigay sa kanila, na nagsasabi, Magsiinom kayong lahat diyan; Sapagka't ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan” (Mateo 26:27-28)
“Gayon din naman ang saro, pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito'y ang bagong tipan sa aking dugo, na nabubuhos nang dahil sa inyo” (Lukas 22:20)
At siya'y dumampot ng isang saro, at nang siya'y makapagpasalamat, ay ibinigay niya sa kanila: at doo'y nagsiinom silang lahat. At sinabi niya sa kanila, Ito'y ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami” (Marcos 14:23-24).
Marahil maitatanong sa atin ng ating mga kapatid na INC kung may mababasa ba tayo sa Bibliya na ang dugo ay marapat kainin? Sagot: Mayroon tayong mababasa. Sa katunayan, ito nga ay ipinag-utos pa. Halawin natin ang Levitico 10:18 na ganito ang sabi:
“Narito, hindi ipinasok ang dugo niyaon sa loob ng santuario; nararapat sana ninyong kanin sa santuario, gaya ng iniutos ko.”
Sa talata pong nabanggit, malinaw na ang dugo ay nararapat kainin at iyan ay ipinag-utos.
Ang ating Dakilang Guro, ang Panginoong Jesukristo ay mismong nangaral sa atin na:
“Hindi ang pumapasok sa bibig ang siyang nakakahawa sa tao; kundi ang lumalabas sa bibig, ito ang nakakahawa sa tao” (Mateo 15:11).
Pinagwikaan din tayo ni Apostol Pablo:
“Huwag nga kayong padala sa mga turong sarisari at di kilala: sapagka't mabuti na ang puso ay patibayin sa pamamagitan ng biyaya; hindi sa pamamagitan ng mga pagkain, na di pinakikinabangan ng mga nagabala sa kanila” (Hebreo 13:19).
Sa anong kadahilanan ayon kay Apostol Pablo?
“Sapagka't ang kaharian ng Dios ay hindi ang pagkain at paginom, kundi ang katuwiran at ang kapayapaan at ang kagalakan sa Espiritu Santo” (Roma 14:17).
Samakatuwid, huwag tayo makikinig sa mga mangangaral na ang ipinangangaral ay mga patungkol sa pagkain at pag-inom. Ang mga yaon ay sumisira sa mga gawa ng Diyos. Sila ay pinagbalaan na ni Apostol Pablo:
“Huwag mong sirain ang gawa ng Dios dahil sa pagkain. Tunay na ang lahat ng mga bagay ay malilinis; gayon man ay masama sa tao ang kumakain ng laban sa kaniyang budhi” (Roma 14:20).
“Nguni't ang nagaalinlangan ay hinahatulan kung kumakain, sapagka't hindi siya kumakain sa pananampalataya; at ang anomang hindi sa pananampalataya ay kasalanan” (Roma 14:23).
Si Apostol Pablo ay nag-utos na: “Lahat ng ipinagbibili sa pamilihan ay kanin ninyo, at huwag kayong magsipagtanong ng anoman dahilan sa budhi” (I Corinto 10:25). Kung sa pamilihan ay may ipinagbibiling dinuguan o anumang pagkaing may dugo, maari iyong kainin ayon na rin mismo kay Pablo na apostol ni Cristo. Ipinag-utos din ni Apostol Pablo na: “Kung kayo'y aanyayahan ng isang hindi sumasampalataya, at ibig ninyong pumaroon; ang anomang ihain sa inyo ay kanin ninyo, at huwag kayong magsipagtanong ng anoman dahilan sa budhi” (I Corinto 10:27). Samakatuwid, kung ang nag-anyaya sa atin ay may handang dinuguan, maaaring kainin ito ayon sa utos ni Apostol Pablo. Hindi lamang si Apostol Pablo ang nag-utos nito kundi ang Panginoong Jesukristo mismo: “At magsipanatili kayo sa bahay ding yaon, na kanin at inumin ninyo ang mga bagay na kanilang ibigay.” (Lucas 10:7)
Ang Panginoong Jesukristo na mismo ang nag-utos. Nararapat lamang na tayong mga alagad Niya ay tumalima sa Kaniyang ipinag-uutos sapagkat nasa Kaniya ang “mga salita ng buhay na walang hanggan” (Juan 6:68). Siya nawa!
**********
This article originally appeared in Atty. Llasos' own Blog:
http://marwil-n-llasos.blogspot.com/search?q=Madugong+Usapan
.jpg)
1 comments:
pahabol: naka-compile na ba yan libro? kung naka-book na nga yan. i say... WAW! ang sipag mong magtype ha!? :) pero d mo ba napansin? ang hina talaga ng argumento nya.. pero sana lalabas yan sa GEM NET or NET 25, (abangan mo ha?)
sana lang ha? kasi mas marami pang mga mas marurunong jan.. about sa pagkain daw ng dugo ay d bawal!
Post a Comment